Thursday, November 20, 2014

Halimbawa Ng Isang Normal Kong Araw






May tao noon na nagalit sa `kin. Ang pinoproblema niya ay bakit daw ba na kinakausap ko lang siya sa mga oras na ako'y may kailangan sa kanya.

Lubos ko itong ipinag-taka: ang sinasabi niya ba rito ay dapat ko pa rin siyang kausapin kahit na wala akong kailangan sa kanya?

Oo, sabi niya: ganoon daw ang gawain ng isang normal na tao at mabuting kaibigan.

Wala akong naramdamang matinding emosyon ukol dito.

Kung ganoon ba talaga ang tingin niya. Malamang nga na mas posibleng tama siya kaysa sa `kin `pag dating sa mga ganitong bagay. Dahil kaibigan ko siya, binago ko ang aking sarili: ninais kong umayon sa kanyang ideya kung paano maging isang mabuting kaibigan.

Sa susunod na araw ay literal na palagi ko siyang pinadadalhan ng mensahe sa teks. At para talagang madama niya ang aking pagpapahalaga sa aming relasyon, napili kong palaging gumamit ng tanong.

Ito ang aking mga pinadala sa araw na iyon:

(Tinantiya ko lamang ang mga oras nila, dahil wala na ang teleponong ginamit ko para rito. At ang mga sinali lang pala ay ang mga inasahan kong panimula sa aming mga pag-uusap, hindi na ang mga maiikling balikan na minsanang naganap dahil sa kanila.)

0730: 'Kumain ka na ba?'

0830: 'Ngayon? Kumain ka na ba?'

0930: 'E ngayon? Kumain ka na ba?'

1030: 'Bakit hindi ka pa kumakain?'

1130: 'Kumain ka na ba?'

1230: 'Kumain ako kanina ng gulay. Anong opinyon mo ukol dito?'

1245: 'Ikaw anong kinain mo?'

1300: 'Nasarapan ako sa gulay. Ikaw ba, nasasarapan ka sa gulay?'

1330: 'Anong paborito mong pagkain at anong mga lugar ang paborito mong kumain ng mga ganoon?'

1400: 'Anong ginagawa mo?'

1430: 'Anong ginagawa mo?'

1500: 'Anong ginagawa mo?'

1530: 'Wala akong kailangan sa `yo, ngunit gusto kong malaman kung anong aktibidad ang iyong ginagawa sa kasalukuyang oras. Ano ang iyong ginagawa? Ngayon?'

1600: 'E ngayon? Anong ginagawa mo?'

1630: 'Ngayon? Ano nang ginagawa mo?'

1700: 'E ngayon?'

1710: 'E ngayon?'

1715: 'E ngayon?'

1720: 'E ngayon?'

1725: 'E ngayon?'

1727: 'E ngayon?'

1729: 'E ngayon?'

1730: 'Tapos ka na sa opisina? O nag-bago ba ang polisiya ng iyong kompanya ukol sa oras ng uwian ng kanilang mga trabahante?'

1800: 'Pauwi ka na?'

1830: 'Naka-uwi ka na?'

1900: 'Nakapasok ka na ng bahay?'

1930: 'Anong kulay ng gate niyo?'

1945: 'Kumain ka na?'

1946: 'Kumain ka na?'

1947: 'Kumain ka na?'

1948: 'Kumain ka na?'

1949: 'Kumain ka na?'

1950: 'Kumain ka na?'

1951: 'Kumain ka na?'

1952: 'Kumain ka na?'

1953: 'Kumain ka na?'

1954: 'Kumain ka na?'

1955: 'Talaga? Kumakain ka na? Ano ulam niyo?'

2000: 'Ano itsura ng tatay mo? Natuloy na ba ng lubusan ang kanyang pagkapanot?'

2030: 'Naligo ka na?'

2100: 'Bakit hindi ka naliligo bago matulog? Ano `yun? Bakit ka ganyan?'

2130: 'Malapit ka na ba matulog?'

2200: 'Tulog ka na?'

2230: 'Tulog ka na?'

2300: 'Tulog ka na ata talaga, ano?'

2330: 'Natuwa ka naman bang kausapin ako sa oras na wala akong kailangan sa `yo?'

2335: 'Masaya `di ba?'

2340: 'Natuwa rin ako. Masaya palang nakikipag-usap sa mga tao kapag wala kang kailangan sa kanila. Napakarami ng puwedeng pag-usapan! Bakit kaya hindi ko ito naisip gawin noon?'

2345: 'Salamat sa `yo at naliwanagan ako kung paano dapat makitungo sa mga tao, (pangalan niya)!'

2350: 'Bukas, ganito ulit a?'

2355: 'Ganito ulit gagawin ko bukas, okey? Dahil ito ang iyong gusto, `di ba?'

2356: 'Ay oo nga pala: magandang gabi! Nawa'y maaliwalas ang iyong tulog at siksik sa kasiyahan ang iyong panaginip!

2357: 'Matutulog na ako!'

2358: 'Hindi pa ako nakakatulog! Hehe.'

2359: 'Hindi pa rin ako nakakatulog! Hehehehe.'

0000: 'Grabe nakakatawa talaga! Na hindi ako makatulog! Hahahahahahahaha.'

Handa akong matagal pang kausapin ang aking kaibigan kahit na ba wala akong kailangan sa kanya.

Ngunit nabanggit niya sa akin kinabukasan na putangina ko raw.

At kahit ako ay nakaka-intindi kung ano ba ang sabihin `nun `pag dating sa rela-relasyon ng mag-kaibigan.

Pero siyempre: tineks ko siya ng 'Bakit?'

Ng tatlumpu't-walong beses.

Hindi siya sumagot.

At tinanong ko siya kung ganoon nga ba talaga ang mangyayari sa amin mula noon, na kakausapin na lang niya ako tuwing may kailangan siya sa `kin.

Ilang buwan na at wala pa ring sagot mula sa kanya. Pinadalhan ko pa siya ng walumpung e-mail (sa loob ng isang linggo) noong ako ay nawalan ng telepono.

Walang sagot.

Mga tao nga naman talaga paminsan: walang konsiderasyon sa iba.

Nakakalungkot e.

No comments:

Post a Comment